Nagpahayag ng pangamba si ACT Teachers Partylist Representative France Castro sa posibilidad na maapektuhan ang ibinibigay na serbisyo ng Dito Telecommunity sa bansa sa ginagawang hakbang ng gobyerno ng Estados Unidos.
Paliwanag ni Castro kapag ganap na ipinagbawal ng US government ang operasyon ng China Telecom (Americas) Corp., ay maapektuhan ang China Teleccomunications Corp., na pag-aari ng gobyerno ng China.
Ang China Telecom ay may halos 40 percent share – ownership sa Dito Telecom, ang third major telco sa Pilipinas.
Sinabi pa ni Castro kapag tuluyang kinansela ang lisensiya ng China Telecom (Americas) ay maapektuhan ang serbisyo ng Dito na interconnecting activities sa US, kasama na ang roaming services ng Filipino subscribers ng Dito.
Dagdag pa ng miyembro ng House Makabayan Bloc maaring maging ang broadband services at mobile data ng Dito ay hindi makapasok sa US-based websites.
Kabilang ang China Telecom sa mga China-based companies na nais ipa-ban sa US dahil sa isyung pang-seguridad.
Katuwiran ng US government dahil pag-aari ng gobyerno ng China ang China Telecom maaring magamit ito sa mga hakbang na may kinalaman sa seguridad gaya na lang ng sa cybersecurity, privacy laws at economic espionage kayat nais nang bawiin ang lisensiya ng China Telecom (Americas).