Base sa mga lumabas na ebidensya at resulta ng background check ng mga imbestigador, sinampahan na ng kaso ng mga pulis ang gwardya ng armored van na nanakawan ng P6.2 milyon sa Maynila noong nakaraang linggo.
Ayon kay PO3 Rodel Benitez ng theft and robbery section ng Manila Police District, sinampahan na ng kasong robbery at qualified theft laban sa gwardyang si Jessie dela Cruz.
Kasama ni Dela Cruz ang ATM technician na si Arnold Marollano at driver na si Rizal de Daulo para mag-reload ng pera sa ATM ng Bank of the Philippine Islands (BPI) sa Ermita, Maynila.
Marami kasing lumabas na inconsistencies sa pahayag nina Dela Cruz at Marollano, partikular na sa umano’y pagde-deklara ng holdup.
Ayon kasi kay Marollano, wala namang nagdeklara ng holdup, taliwas sa sinabi ni Dela Cruz, dahil bigla na lang aniyang may pumukpok sa ulo niya at saka kinuha ang pera.
Kaduda-duda rin ang background check kay Dela Cruz dahil napag-alaman ng mga imbestigador na nagma-may-ari pala ito ng isang sport utility vehicle, at na may negosyo sila ng kaniyang asawa na mga pampasaherong jeepney.
Una nang itinanggi ni Dela Cruz na may kinalaman siya sa kaduda-dudang holdup na naganap.