Energy Sec. Alfonso Cusi, 2 pang mataas na opisyal sinipa ni Sen. Pacquiao sa PDP-Laban

Dahil sa paglabag sa Constitution ng PDP-Laban, tinanggal sa partido sina Energy Secretary Alfonso Cusi at National Transmission Commision President Melvin Matibag.

Si Cusi ang vice chairman ng administration party, samantalang deputy secretary general naman si Matibag.

Bukod sa kanila, tinanggal din si Membership Committee Chair Astra Naik.

Nagpalabas ng tatlong magkakahiwalay na resolusyon si Sen. Manny Pacquiao at ang PDP – Laban National Executive Committee para sa pagsipa sa partido sa tatlo.

Sinabi na nilabag ng tatlo ang Konstitusyon ng PDP – Laban nang magpahayag sila ng suporta sa ibang partido-politikal.

Sa hiwalay na resolusyon, binigyang kapangyarihan din ng NEC si Pacquiao na bumuo ng investigative committees na mag-iimbestiga sa reklamo ng mga miyembro ng partido sa kanilang mga kasamahan na lumabag sa kanilang Konstitusyon.

Idineklara rin ng NEC ng partido na walang bisa ang ipinatawag na pulong nina Cusi noong Marso 31, gayundin ang itinakdang national assembly sa darating na Hulyo 17.

Read more...