Ang unang nagharap, sina dating DILG Secretary Mar Roxas at Vice President Jejomar Binay.
Sinabi ni Roxas kay Binay, na sa harap ng national audience, may pagkakataon na ang Bise Presidente na ipaliwanag ang mga kasong kanyang kinahaharap na hindi niya masagot sa Senado, gaya ng overpriced na mga kama at building sa Makati City.
Pero sagot ni Binay kay Roxas, “hindi naman ikaw (Mar) ang hukuman para aking pagpaliwanagan.”
Sa halip na sagutin ang tanong ni Binay, ilalatag na lamang daw niya ang kanyang mga plataporma.
Sa huli, kumpiyansang sinabi ni Binay na “mananalo ako sa darating na halalan.”
Sa ikalawang pares-pares, tinanong ni Senadora Grace Poe kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte kung ‘ano ang kahihinatnan ng mga babae sa administrasyon ng Alkalde?’
Sagot ni Duterte, ang Davao City lamang ang tanging siyudad na bawal arestuhin ng mga pulis ang mga sex worker, at sa halip ay city health officers ang gagawa nito.
Ang mga babae aniya na sumasali sa beauty contest ay bawal mag-bikini, at ang mga babae ay hindi takot mamasyal.
Nagpaliwanag din si Duterte hinggil sa kontrobersyal na ‘rape joke’ nito. Sa harapan naman nina Duterte at Senadora Miriam Defensor Santiago, simpleng tanong ng Mayor sa lady solon ay ‘how are you today?’
Sagot ni Santiago, ‘I’m back to normal, in good health.’
Umalma rin ang Senadora sa mga black propaganda laban sa kanyang pagkakaroon ng cancer.
Sunod namang tinanong ni Santiago si Roxas hinggil sa tatlong mahahalagang requirements: academic, professional at moral excellence.
Ayon kay Roxas, pagdating sa academic, graduate siya sa Wharton University; sa professional excellence naman ay nagkatrabaho raw sila ni Santiago sa senado, bukod pa sa mahigit dalawampung taon sita sa serbisyo; at huli, sa usaping moral, wala raw siyang bahid.
Sa huling bahagi, sinabi ni Roxas na ang quote mula kay Batman- “it is not important how you came into this world. What’s important is what you have done in this life.”
Sa harapang Binay-Poe, naungkat ang pagiging American citizen noon ng Senadora.
Ayon kay Binay, itinakwil at ikinahiya ni Poe ang pagka-Pilipino nito.
Pero sagot ni Poe, wala raw siyang masamang intensyon.
At kahit naging American citizen siya ay patuloy ang kanyang pagmamahal sa bansa.