Binigyan ang bawat kandidato ng tig-dalawang minuto para mailahad ang kani-kanilang opening statement.
Ayon kay Senadora Miriam Defensor Santiago, magkakaroon ng ‘uniform of law’, at modernong sektor ng agrikultura sa pagtatapos ng kanyang administrasyon sa 2022.
Sa panig naman ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte, pagsapit ng 2022, mayroong malinis na gobyerno, mapayapang bansa at nasugpo ang droga.
Sa pagsalang naman ni Vice President Jejomar Binay, sinabi niya na pagdating ng 2022, ang bansa ay maunlad at ang mga buhay ng mga mamamayang Pilipino ay umangat.
Para kay Senadora Grace Poe, ayaw daw niya ng gobyernong manhid, bulag sa kahirapan, maraming kabataang nagugutom at hindi nakakapag-aral. Pero aniya, ang bagong administrasyon, sa ilalim ng kanyang pamumuno, ay tututok sa mga pangangailangan ng bayan.
Ang huli, si dating DILG Secretary Mar Roxas, pagdating aniya ng 2022 ay nakikita niya na ang Pilipinas ay maunlad at disente, at isang bansa na puno ng pagkakataon.