Professional licensure exams kailangan sa ‘quality control check’ – Sen. Villanueva
Kailangan lisensiya ang mga professional na Filipino para sila ay makapag-trabaho sa loob at labas ng Pilipinas.
Ito ay ayon kay Sen. Joel Villanueva bilang reaksyon sa sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na maaring hindi na dapat sumailalim sa board exams para sa ilang college courses.
“Kung board exams po ang usapan, hindi po ito maaring tanggalin ito ay dahil ito ang tanging patunay na may sapat na kakayahan ang ating mga professionals tulad ng mga doktor, nurse, accountant, engineer, architects at iba pa,” pagdidiin ng senador.
Dagdag paliwanag pa ni Villanueva, ang board exams ang nagsisilbing ‘final quality control check’ bago ipagkatiwala ang buhay ng mga tao sa mga professionals, gaya ng mga doktor at engineers.
Sinabi pa nito na bagamat may mga pagkukulang ang Professional Regulation Commission (PRC) sa pagsasagawang certification tests simula nang magkaroon ng pandemya, hindi naman maaring isantabi ang certification exams.
Aniya ito ang dahilan kayat inihain niya ang Senate Resolution No. 661 para tulungan ang PRC na makapagkasa ng mga alternatibong pamamaraan para sa pagsasagawa ng certification exams.
Binanggit pa ng namumuno sa Senate Committee on Labor na base sa PRC Modernization Law of 2000, kinailangan na ‘computerized’ na ang lahat ng licensure exams noong 2003 bagay na hindi nagawa ng ahensiya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.