May namataang low pressure area (LPA) ang PAGASA sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay PAGASA weather specialist Joey Figuracion, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 855 kilometers Kanluran ng Iba, Zambales bandang 3:00 ng hapon.
Papalayo aniya ang pagkilos ng LPA kung kaya hindi ito papasok sa teritoryo ng bansa.
Samantala, patuloy aniyang umiiral ang Southwest Monsoon o Habagat sa malaking bahagi ng bansa.
Bunsod nito, makararanas pa rin ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, Zambales at Bataan.
Magiging maaliwalas naman ang panahon sa nalalabing bahagi ng bansa ngunit mataas ang tsansa ng pamumuo ng thunderstorms.