Pagkakasama ng Pilipinas sa Top 10 worst countries for working people ng ITUC, ikinalungkot ng Palasyo
Nalulungkot ang Palasyo ng Malakanyang sa ulat ng International Trade Union Confederation na kasama ang Pilipinas sa Top 10 na worst countries para sa mga manggagawa.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, naapektuhan kasi ng pandemya sa COVID-19 ang sektor ng paggawa.
Palinawag pa ni Roque, umabot pa kasi sa dalawang taon ang pandemya.
Gayunman, kumpiyansa si Roque na unti-unti ring makababangon ang sektor ng paggawa lalo’t marami na ang nababakunahan ngayon.
Unti-unti na rin kasi aniyang nagbubukas ang ekonomiya.
“Well, nalulungkot po tayo diyan pero sigurado po ako na iyong estado ng mga manggagawa ay apektado rin po ng pandemya dahil papunta na po tayo sa pangalawang taon ng pandemya. At naniniwala tayo na habang dumadami ang hanay ng nababakunahan at nabubuksan ang ating ekonomiya, mas bubuti rin ang kalagayan ng mga manggagawa sa ating bayan,” pahayag ni Roque.
Ayon sa ITUC, kabilang sa top 10 worst countries for working people sa taong 2021 ang Bangladesh, Belarus, Brazil, Colombia, Egypt, Honduras, Myanmar, Philippines, Turkey at Zimbabwe.
Ayon pa sa pag-aaral ng ITUC, sinamantala ng mga employer at gobyerno ang pandemya magsagawa ng pagtatanggal ng mga manggagawa, hindi pagsunod sa agreements, pananakot at iba pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.