Pinansin ni Senator Leila de Lima ang tila panggigipit ng gobyerno sa pamamagitan ng Inter Agency Task Force (IATF) sa pribadong sektor sa usapin ng COVID 19 vaccines.
Ayon kay de Lima, sa pagpayag ng gobyerno na makabili ang pribadong sekor ng mga kinakailangan nilang bakuna ay kailangan may ‘donasyon’ na bakuna sa gobyerno.
Bukod dito, sinisingil din ng gobyerno ang mga pribadong kompaniya sa pagbakuna sa kanilang mga empleado.
Sinabi ni de Lima, tila tali ang mga kamay ng pribadong sektor dahil lubos nilang kailangan ng mga bakuna para sa kanilang mga sariling kawani at kailangan din nilang pasiglahin ang kanilang negosyo.
Binanggit ng senadora ang mga ulat na iniipit pa ng gobyerno ang mga biniling bakuna ng pribadong sektor para lang may maibigay sa mga lokal na pamahalaan.
“Hindi ba pumirma ang mga kompanyang ito ng kontrata kasama ng IATF? Ano na ang nangyari sa sanctity of contracts? Bakit basta-basta na lang hindi sinusunod ng IATF ang kasunduan nila with the private sector?,” tanong ni de Lima.
Pagdududa ng senadora ay ginagamit na sa pangangampaniya sa eleksyon na susunod na taon ang mga bakuna.
Dapat aniya na hayaan ang pribadong sektor na makasabay sa vaccination rollout ng gobyerno para mapabilis ang pagsigla ng kanilang negosyo.