Sa severe weather bulletin ng PAGASA bandang 5:00 ng hapon, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 215 kilometers Silangan Hilagang-Silangan ng Calayan, Cagayan o 160 kilometers Silangan Timog-Silangan ng Basco, Batanes dakong 4:00 ng hapon.
Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong 70 kilometers per hour.
Tinatahak ng bagyo ang direksyong Hilagang-Kanluran sa bilis na 45 kilometers per hour.
Dahil dito, nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa:
– Batanes
– Northeastern portion ng Cagayan (Santa Ana, Gonzaga) kasama ang Babuyan Islands
Sinabi ng PAGASA na magdadala pa rin ang Bagyong Emong ng katamtaman hanggang sa malakas na kung minsan ay intense rains sa Batanes at Babuyan Islands.
Babala ng weather bureau, maari itong magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Inaasahang patuloy na kikilos ang bagyo pa-Hilagang Kanluran hanggang Lunes ng gabi hanggang umabot sa Extreme Northern Luzon-Taiwan area.
Base sa forecast track, dadaan ang sentro ng bagyo malapit o mag-landfall sa bisinidad ng Batanes-Babuyan Islands area sa pagitan ng 6:00 ng gabi at 10:00 ng gabi.
Sinabi pa ng PAGASA na maaring lumabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo sa Martes ng madaling-araw (July 6) at tatahakin ang Fujian, China.
Posible pa ring lumakas ang bagyo at maging tropical storm sa susunod na 12 oras.