Palasyo, hinamon si Pacquiao na patunayan ang umano’y korapsyon sa bansa
Watusi.
Ito ang naging pahayag ng Palasyo ng Malakanyang sa pasabog ni Senador Manny Pacquiao na nawawala ang P10 bilyong pondo ng Social Amelioration Program 2 ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, akala ng Palasyo ay atom bomb ang pasabog ni Pacquiao.
Pero ayon kay Roque, wala namang kwenta ang pasabog ni Pacquiao dahil puro general allegations lamang ang isinawalat ng pambansang kamao.
“Watusi. Akala ko atom bomb, ayun pala watusi. Wala po, walang kwenta kasi puro generalized allegations po. Walang particulars, walang specific instance, walang ebidensya,” pahayag ni Roque.
Matatandaang nitong Sabado, isinawalat ni Pacquiao ang umano’y korupsyon sa pamahalaan.
Bukod sa DSWD, sinabi ni Pacquiao na marami ring korupsyon sa Department of Energy (DOE) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Kinutya pa ng Palasyo si Pacquiao sa pagsusulong ng imbestigasyon.
Tanong ni Roque, paano raw ang imbestigasyon kung wala naman si Pacquiao na magtatanong.
“Gaya nga po ng sinabi ni Senator [Richard] Gordon, paano naman yan, magpapaimbestiga siya sa Senado pero wala yung proponent? Sino yung magtatanong?” tanong ni Roque.
Hamon ng Palasyo kay Pacquiao, patunayan ang mga alegasyon.
“Hindi po ganyan ang trabaho ng Senado. Dapat po ayusin muna ang trabaho niya bilang isang senador. Patunayan ang kanyang mga paratang dahil kung hindi po, pulitika lang po talaga ang mga pinagsasasabi ni Senator Pacquiao,” pahayag ni Roque.
Nasa Amerika si Pacquiao para ipagpatuloy ang kanyang training.
Nagsasanay ang pambansang kamao sa Amerika para sa nalalapit na laban sa boksingero ng si Errol Spence sa Las Vegas Nevada sa August 21.
Una rito, sinabi ni Pacquiao na mayroon siyang mga dokumento para patunayan ang mga korupsyon sa pamahalaan.
Ipinasa ni Pacquiao sa Senate Blue Ribbon committee ang pagsasagawa ng imbestigasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.