Pamamahagi ng BaseCommunity units, pinangunahan ni Mayor Moreno
Personal na iniabot ni Manila Mayor Isko Moreno ang susi ng bagong tahanan ng mga benepisyaryo ng BaseCommunity sa Baseco Compound sa Manila.
Kasama ni Mayor Isko sa pamamahagi ng unit si Manila Vice Mayor Dr. Maria Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan.
Ito ang unang townhouse-style horizontal housing project.
Nabatid na ang BaseCommunity ay nasa Barangay 649 Zone 68, Bagong Lupa, Baseco, Port Area at mayroong 229 two-story housing units.
Para kay Mayor Isko, personal sa kanya ang proyektong ito.
“Hindi man natupad ng nanay at tatay ko para sa akin at least — maraming salamat sa Diyos at maraming salamat sa mga Batang Maynila — na binigyan n’yo ako ng pagkakataon na maging alkalde ng lungsod,” pahayag ni Mayor Isko.
Nabatid na may laki ang bawat unit na 42 square meters.
Mayroong ding dalawang bedrooms, living room, dining room, kitchen, bathroom, study area, at service area.
“Ngayon matutupad n’yo na, mga nanay at tatay, ang pangarap ninyo para sa inyong mga anak. Mahirap mangupahan. Mahirap na walang kasiguruhan. Mahirap maging mahirap. Ngunit meron na kayong gobyerno sa Lungsod ng Maynila. Meron nang gobyernong ipaparamdam sa inyo ang tunay na pagmamahal sa mga mahihirap. Hindi sa dyaryo, hindi sa peryodiko, hindi sa litrato. Kundi tunay na pagmamalasakit,” pahayag ni Mayor Isko.
Pakiusap ni Mayor Isko sa mga residente, alagaan ang bagong bahay.
“Alagaan ninyo ito. Hindi araw-araw Pasko. Huwag n’yong bababuyin. Hindi baleng mahirap tayo. Huwag tayong maging dugyot,” pahayag ni Mayor Isko.
Dagdag ni Mayor Isko, pinaplano na rin ng lungsod ang BaseCommunity Phase 2.
“Lahat ‘yan, hangga’t nandito ako, hindi ako titigil, maayos ko lang ang buhay ninyo. Sunod-sunod ‘yan,” pahayag ni Mayor Isko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.