Inihirit ni Senator Francis Tolentino na maisama sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang Union of Local Authorities in the Philippines (ULAP) at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI).
Katuwiran ni Tolentino ito ay para magkaroon na iisang diskarte sa pagharap sa pandemya dulot ng COVID 19.
Dapat aniya magkaroon ng boses ang mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor sa pagbalangkas ng mga polisiya na ipinalalabas ng IATF.
Binanggit nito na ang nangyari sa Cebu, kung saan nagkaroon ng ibang diskarte ang pamahalaang-panglalawigan sa swab at quarantine protocols sa OFWs at returning Filipinos.
“Mahirap naman po nag i-impose lang po sa itaas, yung pasusunurin malalaman na lang po yung mga dapat gawin sa balita, sa radyo, sa telebisyon. Dapat kasali po sila table, sa lamesa, sa pag-uusap para po maiwasan na po natin ang ganitong hidwaan, considering that LGUs are the first and last institutional frontliners in this war,” katuwiran pa ng senador.
Dagdag pa ng namumuno sa Senate Committee on Local Government mas alam ng LGUs at private sector ang totoong sitwasyon sa kanilang lugar at mahalaga aniya ang kanilang opinyon at rekomendasyon para maiwasan ang magkakaiba at nakakalitong polisiya.