Mga OFW, drayber, konduktor na apektado ng COVID-19 pandemic, muling hinikayat na makiisa sa mga proyekto ng DOTr
Muling hinikayat ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang mga Overseas Filipino Worker (OFW), driver, at konduktor na makiisa sa mga programang alok ng DOTr.
Ito ay upang magkaroon ng kabuhayan sa kabila ng nararanasang pandemya.
Sinabi ng kalihim na maraming proyekto ang kagawaran na maaring pasukan ng mga OFW na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
“Samantalahin ‘ho ninyo ang oportunidad na hatid ng pamahalaan,” pahayag ni Tugade.
Prayoridad aniya nila ang mga OFW at ibang transport stakeholder na mabigyan ng trabaho sa mga proyektong pang-imprastraktura ng kagawaran.
“Malaking tulong ‘ho ito sapagkat hindi n’yo na kailangan pang iwan ang inyong pamilya at mahal sa buhay para lamang kumita ng disente sa ibang bansa,” dagdag nito.
Sinabi pa ni Tugade na maliban sa imprastraktura, tumutulong din ang DOTr sa upang makapagbigay ng trabaho.
“Kapag may proyekto, may katumbas na pangangailangang pang-empleyo. Ang alok ng proyekto, trabaho para sa mga Pilipino,” dagdag ni Tugade.
Matatandaang ibinahagi ni Tugade na 200 na dating OFWs ang nagtratrabaho na sa PNR Clark Phase 1 project.
Nasa 2,000 trabaho naman ang naghihintay sa mga kwalipikadong OFW oras na maging operational ang PNR Clark Phase 1 project.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.