Ibinahagi ni Senator Imee Marcos na sa P6.3 bilyon na ibinayad ng Philhealth sa mga ospital ay hindi pa kasama ang ginasta sa paggamot sa COVID 19 patients noong nakaraang taon.
Ayon sa senadora, sa mga datos na nakuha ng kanyang opisina, umaabot pa sa P26 bilyon ang dapat bayaran ng Philhealth sa mga pribadong ospital, bukod pa sa daan-daang milyong piso sa mga pampublikong ospital.
Binanggit nito ang kaso ng isang ospital na P430 milyon lang ang ibinayad sa kanila ng Philhealth sa sinisingil nilang P1.2 bilyon.
Daan-daang milyong piso din ang utang ng Philhealth sa Philippine General Hospital, Lung Center of the Philippines at Philippine Heart Center.
Nababahala si Marcos na maapektuhan ang kapasidad ng mga ospital dahil malilimitahan ng utang sa kanila ng Philhealth ang kanilang pagtugon sa COVID 19 lalo na ngayon nagbabanta ang Delta variant ng sakit.
Ayon pa kay Marcos maraming pribadong ospital ang natatakot na hayagang magreklamo laban sa Philhealth sa pangamba na mas matatagalan ang pagbabayad sa kanilang reimbursements.