Higit 17,000 tsuper, operator nagtapos sa Tsuper Iskolar Program ng DOTr, TESDA
Nasa 17,284 tsuper at operator ng public utility vehicles (PUVs) ang nagtapos ng training sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa ilalim ng Tsuper Iskolar Program.
Bahagi ang naturang programa ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na isinusulong ng gobyerno.
Sa ilalim nito, mabibigyan ang mga tsuper at operator ng mga PUVs, o kanilang kaanak ng libreng training, skills assessment, at pinansyal na suporta habang nag-aaral sa TESDA.
Inihayag ni Transportation Secretary Arthur Tugade na lubos silang nagagalak na maraming tsuper, operator at kanilang mga kaanak ang nakapagtapos sa Tsuper Iskolar Program.
“Nakapakalaking bagay ho para sa ating mga kababayan, lalo na sa ating mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan na magkaroon ng karagdagang kaalaman upang mapabuti ang kanilang serbisyo, o ‘di kaya naman ay magkaroon sila ng kakayahan para sa iba pang pagkakakitaan lalo na sa panahon ng pandemya,” ayon sa kalihim.
Unang inilunsad ng DOTr at TESDA ang programa kung saan naglaan ang pamahaalaan ng pondong P350 milyon noong 2019.
Sa ngayon, 804 slots pa ang bukas para sa mga tsuper, operator, iba pang transport workers, pati ang kanilang mga kaanak na nais makiisa sa programa.
Narito ang available slots sa Tsuper Iskolar Program sa mga sumusunod na rehiyon: NCR (270), Cordillera Autonomous Region (10), Region 1 (5), Region IV-A (50), Region 5 (86), Region VII (228), Region IX (1), Region X (115), Region XII (20), at CARAGA (19).
Sa taong 2021, naglaan ang DOTr ng karagdagang P100 milyong pondo para makadagdag pa ng 4,000 benepisyaryo sa programa.
“Malaking tulong ho ito sa mga transport workers natin lalo na po sa mga tsuper at operator at mga pamilya nila na nawalan ng pagkakakitaan at naapektuhan talaga ng pandemyang COVID-19,” dagdag pa ng kalihim.
Hinikayat naman ni Tugade ang iba pang tsuper at operator na makiisa sa programa upang nakatanggap ng benebisyo bilang isang Tsuper Iskolar.
“Inaanyayahan po ng DOTr at ng TESDA ang ating mga kaibigang tsuper, operator, at iba pang transport workers na lumahok sa programang ito para makapagsanay at mabigyan ng karagdagang kaalaman at iba pang oportunidad para kumita sa kabila ng pandemya. Matututo ka na, may allowance ka pa. Malaking tulong ‘ho ito,” dagdag ni Tugade.
Maaring makita ang kumpletong listahan ng mga kurso sa ilalim ng Tsuper Iskolar sa opisyal na website ng TESDA sa www.tesda.gov.ph at i-search lamang ang nasabing programa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.