Roxas, tinalikuran ni Gov. Salceda, lumipat kay Poe

Inquirer file photo
Inquirer file photo

Kumpirmado na ang dati’y usap-usapan lang na pagtalikod ni Albay Gov. Joey Salceda sa pag-suporta kay Liberal Party standard bearer Mar Roxas.

Lantaran na kasing inanunsyo ni Salceda sa publiko ang kaniyang pag-lipat ng suporta kay independent presidential candidate Sen. Grace Poe.

Sa kaniyang pahayag na ipinadala sa Inquirer, sinabi ni Salceda na mas pinili niyang suportahan si Poe dahil pareho sila ng mga layunin lalo na sa pagpapa-unlad ng mga probinsya tulad na lang ng Albay.

Mayroon din aniyang malinaw na plano at plataporma si Poe na para sa ikabubuti ng mga Pilipino.

Nag-sabi na rin si Salceda sa Commission on Elections (COMELEC) na lilisanin na niya ang pagiging chairman ng LP sa Bicol region, at tatakbo na lamang siya bilang independent candidate.

Gayunman, sa kabila ng pagtakbong independent, susuportahan pa rin niya ang mga kandidato ng LP sa Albay tulad nina Legazpi City Mayor Noel Rosal, Daraga Mayor Gerry Jaucian, Camalig Mayor Ardhail Baldo, Manito Mayor Joshua Daep at Rapu-rapu Mayor Galicia.

Si Salceda ay naging kaalyado noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, ngunit lumipat din sa pag-suporta noon sa kandidatura ni Pangulong Noynoy Aquino sa LP.

Read more...