Hinimok ni Quezon Rep. Angelina Helen Tan ang Department of Health (DOH) na baguhun ang polisiya sa pamamahagi ng COVID-19 vaccines sa bansa.
Ayon sa chairperson ng House Committee on Health, reactive imbes na preventive ang naturang hakbang.
Paliwanag nito, hindi maaring hintaying sumirit ang kaso ng nakakahawang sakit sa isang lugar bago maglaan ng mas maraming bakuna.
Aniya, hindi mabilis bababa ang bilang ng impeksyon kapag binakunahan ang mga tao sa lugar na may surge ng COVID-19 dahil kailangan ng sapat na panahon para mag-develop ang proteksyon mula sa bakuna.
Dahil dito, iginiit ng kongresista na dapat pantay ang distribusyon ng mga bakuna upanh nasisimulan na ang pagbabakuna at maagapan ang pagkalat ng sakit sa labas ng Metro Manila.
Mababalewala kasi aniya ang pagbaba ng kaso sa NCR kung tumaas naman sa ibang rehiyon dahil napabayaan ang mga ito.
Dagdag pa ni Tan, inanunsyo ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na nasa 70 milyong doses ng bakuna ang parating ng Hulyo hanggang Agosto.