Mayor Binay, humingi ng pang-unawa kasunod ng ‘human error’ sa pagpapabakuna
Humingi ng pang-unawa sa publiko si Makati City Mayor Abby Binay kasunod ng kumalat na video ukol sa pagkakamali sa pagpapabakuna.
Sa inilabas na pahayag, inamin ng alkalde na “human error” ang nagawa ng volunteer nurse ngunit agad itong naitama.
“Nabakunahan po yung taong nasa video. Naintindihan po nya ang nangyari at sya mismo ang nagsabi na huwag tanggalin ang nurse. We ask simply for the public’s understanding,” ani Binay.
Mahigit isang taon na aniyang nagtratrabaho ang frontliners at mahirap aniyang kumuha ng vaccinators.
Apela pa ng alkalde, “Umaapela kami sa mga nagkakalat ng video. May nagbintang pa na nagbebenta siguro sya ng bakuna. Huwag naman pong ganyan, lalo na at wala naman kayong hawak na ebidensya.”
Nakalulungkot aniya dahil nabahiran na rin ng pulitika ang pangyayari dahil ang ibang nagkakalat ng video ay tuwang-tuwa pa aniya sa insidente at ginagamit ito para siraan ang vaccination program ng national at local governments.
Sinabi ni Binay na unawain ang mga nurse na kusang loob na nag-volunteer at naglaan ng oras upang mapabilis ang pagbabakuna sa mga residente.
“Tao lang ang ating frontliners. Napapagod sila. Nagkakamali. Pero ang mahalaga, naayos agad ang pagkakamali. Humingi sya ng patawad, at sya naman ay pinatawad,” hirit pa nito.
“Kaya request ko lang, move on na tayo at ituloy ang pagbabakuna. Para pa-back to normal na ang mga buhay natin,” dagdag pa nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.