Nakikipag-ugnayan na ang isang HIV advocacy group sa ilang grupo ng HIV patients para sa pagsasampa ng karagdagang disbarment complaint laban sa abogadong si Larry Gadon.
Pagbabasehan ng reklamo ang naging pahayag ni Gadon sa isang programa sa dwIZ radio station na; “oo tsaka… pero may HIV siya..kaya ayon kaya di gumaling.”
Ang pahayag ay patukoy sa yumaong Pangulong Noynoy Aquino at ginawa ilang oras lang matapos kumpirmahin ang pagpanaw ng dating pangulo noong nakaraang Huwebes.
Ayon sa pamilyang Aquino, renal failure ang pangunahing naging sanhi ng pagpanaw ng dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon sa grupong Red Whistle, maaring nilabag ni Gadon ang Section 44 ng RA 11166 nag nagbibigay proteksyon sa anumang HIV-related information na may katapat na kaparusahan na hanggang limang taon na pagkakakulong at multa na hindi lalagpas sa P350,000.
Paniniwala din ng grupo na nilabag ni Gadon ang Code of Professional Responsibility.
“Statements laced with malice like the one made by Atty. Gadon fuel HIV-related setigma and discrimination and offer no help in addressing the HIV epidemic in the country, which has the fastest rising number of new infections in the world,” pahayag pa ng Red Whistle.
Nakilala si Gadon sa madalas nitong bitawan na ‘huwag kang bobo’ na pahayag at nabatid na may mga nauna ng disbarment complaints na rin laban sa kanya.
Samantala, nagpalabas na ng pahayag ang dwIZ radio station ukol sa inasal ni Gadon at sinabi na wala silang kinalaman sa mga nasabi ng abogado.
Kasunod nito ang mensahe ng pakikiramay ng istasyon sa mga naiwan na mahal sa buhay ni Aquino.