Mensahe ng pakikiramay mula sa Senado sa pagpanaw ni PNoy, nagpapatuloy

Kabilang si Senator Francis Pangilinan sa mga naunang nagtungo sa Capitol Medical Center nang magsimulang kumalat ang pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Hindi nagpaunlak ng interview si Pangilinan paglabas nito ng ospital.

Ngunit sa inilabas niyang pahayag mula sa Senado, todo puri ito kay Aquino.

“Mabuting tao, mahusay na lider, napakaraming natulungan. Napakabuting kapatid, kaibigan, at lingkod-bayan. Huwarang anak ng mga bayani, ng tunay na anak ng bayan. Isang karangalan ko ang magsilbi sa sambayanan bilang nakasama at na katrabaho nya sa Senado at muli sa kanyang gabinete,” sabi pa ni Pangilinan.

Sinabi naman ni Sen. Grace Poe na si Aquino ang nagbukas para sa kanya ng pintuan sa pagbibigay ng serbisyo-publiko at pinasalamatan nito ang tapat na pagsisilbi sa bayan.

“Ipinakita sa atin ni PNoy ang kahalagahan ng mabuting kalooban sa isang pinuno: walang pag-iimbot sa kapwa, malinis ang intensyon, at walang pagkagahaman sa kapangyarihan,” ayon pa kay Poe.

Nagpahayag naman ng kanyang labis na kalungkutan si Sen. Koko Pimentel at sinabi na malapit ang kanyang pamilya sa mga Aquino.

“PNoy served our country to the best of his ability, by pursuing his vision he had for the country. Thus we thank PNoy for his sacrifices and selfless service,” sabi ni Pimentel.

Ayon naman kay Senate Minority Leader Frank Drilon, sa pagpanaw ni Aquino ay nawalan siya ng mabuti at malapit na kaibigan.

“The nation has lost a gentleman who served his country well – with all honesty and sincerity and with the purest of intentions,” diin ni Drilon.

Read more...