Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, matapos kumalat sa internet kahapon ang website na wehaveyourdata.com kung saan maaring ma-access ang impormasyon ng mga botante, ay agad silang humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sinabi ni Bautista na humihingi sila ng paumanhin sa publiko sa nangyari at sana ay maunawaan sila ng publiko.
Sa ngayon, ginagawa na aniya ng Comelec ang lahat para palakasin pa ang kanilang firewalls at maglagay pa ng safeguards sa kanilang website.
Pero napakahirap ayon kay Bautista na mangako ng non-hackable website dahil halos lahat aniya ng website ngayon ay kayang pasukin ng hackers.
“Layon din na palakasin pa ang firewalls, maglagay pa ng safeguards. Ang hirap magsabi ngayon ng non-hackable, pero tinitiyak namin palalakasin namin ang website,” ani Bautista.
Payo naman ng Comelec sa mga botante, huwag nang buksan ang website na naglalaman ng voter’s data dahil baka mas makakuha pa ng ibang impormasyon ang mga may gawa nito.
Mas mabuti rin aniyang palitan na lamang muna ang password ng kanilang mga email address at iba pang mahahalagang online transactions.