Sa pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay nagluluksa ang Liberal Party, kung saan siya ang nagsisilbing Chairman Emeritus.
“Sinasalamin ng tawag nating lahat sa kanya— PNoy— ang diwa ng kanyang pagka-Pangulo: Tunay na kaisa ng karaniwang Pinoy; sumasagisag sa pinakamatataas nating ideyal; may tapang at sigasig sa harap ng maraming hamon,” ang bahagi ng pahayag na inilabas ng partido.
Ayon sa partido, nawala sa bansa ang isa sa pinakamagandang ehemplo kung ano ang dapat na isang pangulo ng bansa, ang pagkakaroon ng integridad na hindi maaring kuwestiyonin.
Isinalarawan din si Aquino ng kanyang partido na ginagawa ang anuman lumalabas sa kanyang bibig.
Hindi anila ito tumitingin sa kulay ng politika dahil pantay-pantay nitong pinagsisilbihan ang lahat.