“Karaniwang Tao” – OFF CAM ni Arlyn Dela Cruz-Bernal

Anuman ang kulay ng iyong paniniwalang pulitikal, hindi maitatanggi ang isang bagay na taglay ni yumaong dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III–siya ay naging karaniwan sa kanyang mga gawi hanggang sa huli.

Maaaring mahirap pagtugmain ang salitang karaniwan sa apelyidong Aquino lalo pa’t naging ika-15 pangulo siya ng bansa.

Habang nasa kapangyarihan, kung wala siyang mga bantay mula sa hanay ng Presidential Security Group o PSG, ‘yung mga gusto niyang gawin mula sa pagkain o pagre-relax, maituturing na mga karaniwang gawi ng isang taong wala sa kapangyarihan o pribilehiyo.

Noong natapos ang kanyang termino, naging ganap siyang pribadong indibidwal na halos hindi na nagparamdam sa publiko.

May isa akong hindi malilimutang karanasan noong siya ay senador pa. Sa isang lamay iyon. Naatasan akong isa sa mga sumalubong sa mga personalidad na darating sa lamay.

Nagkaroon ako ng pagkakataong sumingit ng tanong na hindi niya sinagot. Inakala ko na lang na hindi niya narinig o kaya ay wala sa wisyong sagutin. I was trying to start a conversation kaya ako nagtanong. Kung tutuusin walang kawawaang tanong lang. May mapag-usapan lang kami noong mga sandaling iyon.

Nang papaalis na siya, hinanap ako at saka sinagot ang tanong. Hindi naman niya kailangang sagutin ang tanong. Nothing earthshaking ang tanong. Mema nga lang ako. But he did respond.

And he addressrd me by my name. Kasama ‘yun sa charm ng personalidad niya. Dito siya natatandaan ng maraming kagawad ng media. Kapag kilala ka niya, kilala ka.

Kahit na anong tanong, sasagutin niya. Kahit nga mema lang.

Sinabi niya minsan, “Kayo ang boss ko!”

He did his best.

Ang aming pakikiramay sa mga naulila.

Read more...