Aabutin pa ng hanggang sa susunod na linggo ang mga nararanasang pag-ulan sa bansa kahit pa nakalabas na ang bagyong Falcon.
Sinabi ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Forecaster Fernando Cada sa panayam ng Radyo Inquirer, ang nararanasang mga pag-ulan ngayon ay isang malinaw na halimbawa ng “siyam-siyam rains” o ang mahabang pag-ulan na tumatagal na ng siyam na araw at siyam na gabi.
Taong 2012 pa huling naranasan sa bansa ang “siyam-siyam rains” dahil din sa umiiral na habagat noon. Kadalasan itong nararanasan sa pagitan ng Mayo at Setyembre.
Kaugnay nito ay itinaas na ng PAGASA ang Orange Rainfall Warning sa apat na lalawigan kalapit ng Metro Manila.
Alas 5:00 ng umaga, nagpalabas ng Heavy Rainfall Warning ang Pagasa sa mga lalawigan ng Bulacan, Zambales, Cavite at Batangas. Ayon sa PAGASA, Orange rainfall ang umiiral sa nabanggit na mga lalawigan na nangangahulugang “intense” ang magiging buhos ng ulan.
Ayon sa PAGASA, nakapagtala na ng aabot sa 15mm hanggang 30mm na buhos ng ulan sa apat na lalawigan sa nakalipas na isang oras at inaasahang taatagal pa sa susunod na dalawang oras.
Pinapayuhan ng PAGASA ang mga residente sa Bulacan, Zambales, Cavite at Batangas sa pagbahang maidudulot ng malakas na pag-ulan.
Samantala, nakataas naman ang Yellow rainfall warning sa Metro Manila at sa mga lalawigan ng Rizal, Laguna, Bataan, Pampanga, Tarlac at Nueva Ecija. Sa pagtaya ng PAGASA, posibleng umabot ng “Orange” ang rainfall warning sa Metro Manila ngayong araw, pero hindi naman inaasahang aabot sa Red rainfall warning.
Mahina hanggang sa katamtamang ulan naman ang mararanasan sa lalawigan ng Quezon sa susunod na tatlong oras.
Samantala, nakalabas na ng bansa ang bagyong Falcon kaninang alas 2:00 ng madaling araw.
Sa final weather bulletin ng PAGASA, lumakas pa ang bagyo at ngayon ay taglay na ang lakas ng hanging aabot sa 160 kilometers kada oras at pagbugsong aabot sa 195 kilometers kada oras.
Bagaman nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) si Falcon, patuloy na pinalalakas ng bagyo ang habagat na nagpapaulan sa Luzon at Visayas.
Ayon sa PAGASA, dahil sa habagat mataas pa rin ang alon sa mga baybayin ng Luzon at Visayas kaya ang mga mangingisda ay pinapayuhang huwag na munang pumalaot./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.