Kinalampag ni Oriental Mindoro Rep. Alfonso Umali ang Kamara na imbestigahan ang sinasabing kwestyonableng public biddings ng Philippine Ports Authority o PPA sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Umali, hindi pa naisasalang sa joint inquiry ang kanyang House Resolution 1822 sa House Committee on Good Government and Public Accountability at Committee on Transportation.
Ngayong araw, sinabi ni Umali na magsasagawa ng sariling public consultation ang Sangguniang Panlalawigan ng Oriental Mindoro hinggil sa naturang usapin.
Pero umaasa ang mambabatas na makapagsasagawa na ng pagdinig ang mga komite ng Kamara upang mabusisi na ang public biddings ng PPA kung saan dehado umano ng gobyerno, sa kasagsagan pa ng paglaban sa pandemya.
Nauna nang sinabi ni Umali na aabot sa P1.3 billion ang posibleng lugi o nawala sa pamahalaan, para lamang sa public biddings ng PPA sa limang pantalan o ang Puerto Prinsesa, Ormoc, Tabaco, Legazpi at Calapan ports.
Dito, tinatapos ng PPA ang kontrata sa Calapan Labor Service Development Cooperative na matagal ng nangangasiwa sa cargo and ro-ro operations sa Calapan Port.
Dahil dito, nanganganib mawalan ng trabaho ang nasa 11,000 miyembrong manggagawa habang nasa pandemya ang bansa.