Chinese ambassador dapat ipatawag ng DFA sa dagdag 100 barko sa WPS – Sen. Hontiveros

Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na ipatawag si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian para ipaliwanag ang presensiya ng karagdagang 100 Chinese vessels sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

“Kailangang ipatawag muli ng DFA ang Chinese Ambassador para sa masinsinang pag-uusap. Hindi pwedeng magpatuloy ang walang patid na pagmamalabis ng Tsina sa ating bansa. We, as a nation, are owed dignity and respect. Namimihasa na ang China,” sabi ng senadora.

Base sa ulat ng Simularity, isang data analysis company, simula noong nakaraang buwan, mula sa 129 ay naging 238 na ang bilang ng Chinese vessels sa Union Banks, mula siyam ay umakyat naman sa 236 ang nasa Burgos Reef, samantalang bumaba naman sa 163 mula sa 234 ang nasa Tizard Bank.

Ayon kay Hontiveros pagpapakita lang ito na pinalalala ng China ang sitwasyon sa WPS dahil sa kabila nang paghahain ng sunod-sunod na diplomatic protests ay hindi natitinag ang China.

Tiwala ang senadora na muling maghahain ng diplomatic protest ang DFA laban sa China.

Kasabay nito, ang hiwalay na panawagan ni Hontiveros sa Malakanyang na kondenahin ang patuloy na presensiya ng mga Chinese vessels sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.

Read more...