Laban-bawi policy ng Malakanyang sa face shield use pinuna ni Sen. Joel Villanueva

By Jan Escosio June 23, 2021 - 08:07 AM

Mahalaga ang pagkakaroon ng mga malinaw at konkretong polisiya na ipinatutupad ng gobyerno sa pagharap sa kasalukuyang pandemya.

Ito ang sinabi ni Sen. Joel Villanueva kasunod nang pabago-bagong pahayag ng Malakanyang ukol sa pagsusuot ng face shield sa labas ng bahay.

Pagdidiin niya nagdudulot ng kalituhan sa publiko ang pabago-bagong polisiya.

“Importante po na naiintindihan natin na multi-faceted ang isang polisiya. Sana naman pi hindi nakailang-ulit na about face sa ating policy. Kapag ang resulta ay tanggal-suot, nakakalito na,” sabi ng senador.

Kabilang si Villanueva sa mga senador na nasa Malakanyang ng sabihin ni Pangulong Duterte na hindi na kakailanganin pa ang pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong lugar.

Si Senate Presidente Vicente Sotto III ang unang nagbahagi sa publiko ng sinabi ni Pangulong Duterte.

Noong Lunes, sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles na magpapalabas ng direktiba si Pangulong Duterte ukol sa pagsusuot ng face shield, ngunit makalipas ang ilang oras inanunsiyo ni Presidential spokesman Harry Roque na hindi na kakailanganin pa ang pagsusuot nito.

At sa Talk to the People ni Pangulong Duterte, sinabi nito na kailangan pa ang face shield para dagdag proteksyon sa COVID 19.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.