Matapos matanggap ang kanilang unang dose ng COVID-19 vaccine, nakatanggap pa ng insentibo ang tricycle drivers, pedicab at delivery riders na nagpabakuna sa kauna-unahang drive-thru vaccination sa Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Maynila.
Binigyan ng P500 gas voucher ang mga nagpabakuna sa Vaccine Express program ni Vice President Leni Robredo sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaang lungsod ng Maynila.
Binanggit ni Robredo na nakipag-ugnayan sila sa Pilipinas Shell at Seaoil para sa pamamahagi ng gas vouchers.
Layon ng programa na mabakunahan ang economic frontliners na kabilang sa A4 priority list at ang insentibo ay para mas marami pang miyembro ng mga TODA, padyak boys at delivery riders ang mahikayat nang magpaturok ng COVID-19 vaccine.
“Ito iyong mga tao na mas gusto sana mas kaunti iyong istorbo sa hanapbuhay nila, na hindi na sila pupunta kung saan, maghihintay ng half day o whole day para mabakunahan. Ito, in a matter of minutes tapos na sila,” sabi pa ni Robredo.