Home quarantine para sa fully vaccinated balikbayans, iginiit ni Sen. Gordon sa IATF
Muling inihirit ni Senator Richard Gordon sa Inter-Agency Task Force (IATF) na hayaan na sa bahay na mag-quarantine ang mga nagbalik Pilipinas na mga Filipino kung sila naman ay fully vaccinated na.
Aniya, sa ikalima o ikapitong araw ay isailalim na sila sa COVID-19 testing.
Katuwiran ni Gordon, bukod sa magastos pa ang 14-day hotel quarantine, mauubos din ang kanilang bakasyon sa halip na makapiling na ang kanilang mga mahal sa buhay.
“We want our fellowmen who are coming home to the Philippines to be with their families as soon as they arrive, and we want to lessen the financial and emotional expense that they are dealing with during these difficult times,” aniya.
Binanggit nito ang naging karanasan ng isa niyang dating staff na umuwi mula sa Spain at nanuluyan sa isang hotel bago na-swab makalipas ang isang linggo.
Lumabas ang kanyang resulta makalipas ang dalawang araw at nakalabas na siya ng hotel sa pang-10 araw niya nang makabalik sa bansa.
Pagdidiin ni Gordon, dapat ding hayaan na ng IATF ang LGUs na magpatupad ng kanilang sariling polisiya para sa mga nagbabalik-bansa na mga Filipino basta sagutin ng mga lokal na opisyal ang responsibilidad sa pagsunod sa health protocols.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.