Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang June 21, nasa 20,435 na ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 94 na bansa at rehiyon.
Sa nasabing bilang, 7,114 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.
Lima naman ang bagong gumaling kung kaya umabot na sa 12,101 na ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.
Wala namang bagong napaulat na nasawi.
Dahil dito, 1,220 pa rin ang COVID-19 related deaths sa mga Filipino abroad.
Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 11,532 na kaso.
Sumunod dito ang Europa na may 3,530 confirmed COVID-19 positive cases na OF.
Nasa 986 naman ang kaso sa Americas at 4,387 sa Asia Pacific Region.
Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tututukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.