Pagsakay ni Kris Aquino sa presidential chopper, sinisilip ng Ombudsman-Visayas

 

Mulas a FB

Mag-iimbestiga na ang Ombudsman-Visayas sa mga alegasyong ginamit ng TV host-actress na si Kris Aquino presidential helicopter para sa isang campaign sortie ng Liberal Party sa Cebu noong nakaraang Martes.

Sa panayam ng Inquirer, sinabi ni Atty Ma. Corazon Naraja, tagapagsalita ng Ombudsman na nakabase sa Cebu, kumakalap na sila ng mga ebidensya at impormasyon kaugnay sa naturang balita at aalamin kung may isyung legal na napapaloob dito.

Paalala pa ni Naraja, sa ilalim ng Omnibus Election Code of the Philippines, ipinagbabawal ang paggamit ng mga government owned vehicles, pondo at gamit ng gobyerno sa pangangampanya ng isang partikular na kandidato o partido.

Una rito, umani ng katakut-takot na batikos si Kris matapos lumutang ang larawan na ipi-nost sa Facebook ng lokal na pamahalaan ng Dalaguete kung saan makikitang bumababa ito sa presidential helicopter.

Sa naturang okasyon, ikinampanya ni Kris ang standard bearer ng Liberal Party na sina Mar Roxas at Leni Robredo.

Isa rin sa dumating sa okasyon si Pangulong Benigno Aquino III.

Iginiit naman ng Malacañang na may karapatan si Kris at iba pang presidential sister na sumakay sa presidential chopper dahil bahagi ito ng ‘immediate family’ ng pangulo.

Read more...