Inanunsiyo ng Malakanyang na anumang araw ngayon linggo ay lilinawin ni Pangulong Duterte ang isyu sa paggamit ng face shield.
Sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles magpapalabas ng memorandum si Pangulong Duterte para malinaw na ang kalituhan ukol sa paggamit ng face shield bunsod na rin ng magkakaibang posisyon ng mga opisyal ng gobyerno.
Hanggang wala pa ang presidential memorandum, ayon pa kay Nograles, mananatiling mandatory ang pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong lugar.
Unang ibinahagi ni Senate President Vicente Sotto III na sa isang pulong sa Malakanyang ay sinabi ni Pangulong Duterte na ang pagsusuot ng face shield ay sa mga ospital na lamang.
Ngunit ang DOH, DILG at pinakahuli ang Department of Science and Technology (DOST) ay sinabi na kinakailangan pa rin na magsuot ng face shield sa mga pampublikong lugar bilang dagdag proteksyon para hindi mahawa ng COVID 19.
Inaasahan na sa ilalabas na memo ng Malakanyang ay tutukuyin ang mga lugar kung saan mandatory pa rin ang pagsusuot ng face shield.