Sen. Sonny Angara pinuri ang coaching staff, players ng Gilas Pilipinas sa paglalaro sa FIBA Asia Cup

FIBA PHOTO

Kumpiyansa si Senator Sonny Angara na mataas ang maabot ng Gilas Pilipinas sa pandaigdigang basketball base sa ipinakitang gilas at bangis sa FIBA Asia Cup qualifier.

Pagdidiin ni Angara, pinatunayan ng Gilas na hindi tsamba ang kanilang panalo kontra South Korea noong Miyerkules nang muling talunin ang mga bisita kahapon.

“Malaki ang pag-asa ng Philippine basketball na bumalik sa dating sigla nito dahil sa ipinakikitang galing at dedikasyon ng mga manlalaro, gayundin ng coaching staff,” komento pa ng senador.

Partikular na pinuri ni Angara si Gilas coach Tab Baldwin sa ipinamalas nitong diskarte at paggabay sa kanyang players, gayundin ang napaka-epektibong basketball program nito.

Pinuri din niya ang dedikasyon ni Kai Sotto, na ayon sa senador, ay nagpakatatag at kumasa sa mga itinapat sa kanyang kalaban, sa opensa man o depensa.

Gayundin, dagdag pa ni Angara, hindi nagkamali ang Senado at Kamara na gawing naturalized player ng Pilipinas si Ange Kouame, na mahalaga ang naging kontribusyon sa mga panalo ng Gilas.

Read more...