Pinangunahan ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade ang paglulunsad ng Tsuper Iskolar Program at Free Ride for Health workers and APORs Program sa Malolos, Bulacan.
Ang Tsuper Iskolar Program ay programa ng DOTr katulong ang TESDA na sinimulan noon pang taong 2018.
Layunin nito na mabigyan ng karagdagang kaalaman at hanap-buhay ang mga tsuper at kanilang pamilya kung saan mayroong libreng 30-35 days na training at 350 pesos allowance kada araw.
Samantala, ang Free Ride for Health workers and APORs Program naman ay naglalayong mabigyan ng transport service ang mga health care at essential workers, at APORs, sa gitna ng pandemya.
Isang benepisyo rin ng programang ito ang pagkakatanggap ng sweldo ng ating mga tsuper— may sakay man sila o wala.
Kinilala naman ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang trabahong ginagampanan ng DOTr at TESDA na layuning mapaunlad ang buhay ng sambayanan.
“At sa kabila po ng krisis na ating kinakaharap, kaagapay natin ang DOTr, LTFRB, at ang TESDA sa muling pagpapalago ng ating local economy, pagpapa-unlad sa iba’t-ibang sektor ng ating lipunan, at paglikha ng disenteng hanap-buhay para sa lahat,” sabi ni Gov. Fernando.
Sa kaniyang talumpati, inanunsyo ni Tugade ang tatlong karagdagang ruta ng Libreng Sakay sa lalawigan ng Bulacan at ito ay ang Meycauayan (via Malolos)-MacArthur Highway, Bocaue (via Norsagaray)-National Road, at Malolos (via San Miguel)-Cabanatuan.
“Nandidito ho ako ngayon upang magbigay inspirasyon o encouragement para sa lahat sa inyo [jeepney drivers], na kung maaari, sumama o sumanib sa mga programa na nakaatang para sa benepisyo, hindi lang ho ng mga kapatid nating drayber o tsuper, kasama ang inyong mga anak at mahal sa buhay. Sana ho ‘wag sayangin itong program na ‘to. Sumanib kayo sa Service Contracting [program], palaguin ‘yung Free Ride, at pumirma kayo ng scholarship sa TESDA,” saad ni Tugade.