Hugas-kamay ang Philippine Air Force (PAF) sa usapin ng umano’y paggamit ni Presidential sister Kris Aquino ng air assets ng gobyerno sa pangangampanya sa mga pambato ng administrasyon.
Pinatutungkulan ni PAF spokesman Col. Araus Robert Musico ang naglabasang larawan ni Kris Aquino na lulan ng chopper ng Presidential Airlift Wing sa campaign sortie ng Liberal Party sa Cebu kamakailan.
Paliwanag ni Musico, ginagawa lamang umano nila ang kanilang trabaho at misyon na ligtas at maayos na maibyahe si Pangulong Aquino at ang kanyang pamilya kabilang na si Kris sa kanilang patutunguhan.
Sa usapin umano kung ginagamit sa personal na lakad ang air assets, iginiit ni Musico na Office of the President na umano ang makakasagot nito.
Umani ng batikos sa mga netizens sa social media matapos makunan ng mga larawan ni Kris Aquino na bumababa sa bagong Philippine Air Force Bell 412 ng 250th Presidential Airlift Wing sa Casay Airstrip sa Dalaguete Cebu.