Partylist solon nagpaalala sa ‘seniors’ sa paglabas ng bahay
Sinegundahan ni Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo Ordanes ang paalala ng Department of Health (DOH) sa mga fully vaccinated senior citizens na iwasan pa rin ang madalas na paglabas ng bahay.
Sinabi ni Ordanes na nauunawaan niya ang mga nakakatanda na mahigit isang taon na hindi nakalabas ng kanilang bahay, ngunit aniya kailangan pa rin ang ibayong pag-iingat dahil nananatili pa rin ang banta na makuha nila ang COVID-19 kahit sila ay bakunado na.
Dapat aniya maintindihan ng seniors na ang pagiging fully vaccinated ay hindi nangangahulugan na hindi na sila tatablan ng nakakamatay na sakit.
“Tayo po ay nanatili sa itinuturing na vulnerable sector. Ito po ang dahilan kayat naging prayoridad tayo sa bakuna at apila ko lang kung hindi naman kailangan talaga na lumabas ay makakabuti na manatili na lang po tayo sa ating bahay para na rin sa ating sariling kaligtasan,” ang apila ni Ordanes sa senior citizens.
Dagdag paalala lang niya na ang tanging pinahintulutan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay ang mga 65 anyos pataas na nakumpleto na ang dalawang dose ng COVID 19 vaccine.
“Batid naman natin na may mga senior na walang mapapakiusapan na ibili sila ng kanilang mga pangangailangan, lalo na ang kanilang mga gamot kayat kailangan talaga nilang lumabas ng bahay,” sabi pa ng namumuno sa House Special Committee on Senior Citizens.
Pagdidiin lang din ni Ordanes napakahalaga na bukod sa ID at discount booklet, dapat ay bitbit na rin ng seniors ang kanilang vaccination card para hindi na maabala pa.
Dapat din aniya na sumunod ang mga nakakatanda sa minimum health protocols, lalo na ang pagsusuot ng mask at face shield, gayundin ang pagsunod sa social distancing.
“At kung maaari ay umiwas din sa mga malalaking pagtitipon,” pahabol pa ni Ordanes, na una nang nakiusap sa IATF na payagan nang makalabas ang fully vaccinated seniors kahit may mga limitasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.