“Hindi lang pang-Famas ang acting ni Roque. Pang Oscars pa. Best Dramatic Actor in an Overacting Role. Mahiya ka Roque. Abogado ka pa naman. Sa dami ng beses na pag-amin ni Duterte, kahit anong korte sa mundo ay kaya na siyang husgahan ng isandaang beses. Huwag kang OA.”
Ito ang pahayag ni Sen. Leila de Lima sa naging reaksyon ni Presidential spokesman Harry Roque kaugnay sa rekomendasyon sa International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang diumanoy ‘crimes against humanity’ ng administrasyong-Duterte.
Pagdidiin ng senadora ilang beses na mismong si Pangulong Duterte ang umamin at nag-utos sa mga pagpatay, na pinaniniwalaang nagbigay daan para sa pagkamatay ng libo-libong indibidwal kasabay ng pagkasa ng ‘war on drugs.’
Paniniwala ni de Lima kung hindi napigilan lang sana ng Punong Ehekutibo ang kanyang bibig ay posibleng walang iimbestigahan ang ICC.
Aniya dahil sa mga pag-amin na rin, masasabing ang mga ito ay ‘prima facie evidence’ sa mga kaso ng pagpatay.
Puna pa ni de Lima, ‘palabas’ lang ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pag-iimbestiga ng kanyang tanggapan sa mga pagpatay para masabi na kumikilos ang gobyerno ngunit wala pa sa isang porsiyento ng mga kaso ang pormal na naisasampa.