P21.9-M marijuana plants, sinira sa Kalinga

Sinira ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang marijuana plants na nagkakahalaga ng P21.9 milyon sa Tinglayan, Kalinga.

Base sa ulat kay PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar, isinagawa ang marijuana eradication operations mula June 14 hanggang 16 sa Barangay Buscalan, Loccong at Butbut Proper.

Sa Barangay Buscalan, nadiskubre at agad ding winasak ang kabuuang 5,000 fully-grown marijuana plants na tinatayang aabot sa P1 milyon ang halaga.

Samantala, apat na plantation sites naman ang natagpuan sa Barangay Loccong na may 34,000 marijuana plants na nagkakahalaga ng P6.8 milyon.

Nasa 57,000 fully grown marijuana plants at 65,000 seedlings na nagkakahalaga ng P14.1 milyon ang nakita sa Barangay Butbut Proper.

Sa kabuuan, umabot sa 96,500 fully-grown marijuana plants at 65,000 seedlings ang nasira ng PNP at PDEA ngunit walang naaresto.

Pagtitiyak naman ni Eleazar, “Hindi lamang po mga plantasyon ng marijuana ang aming hinahanap. Lahat po ng pinagmumulan ng iligal na droga sa bansa at ang mga nasa likod nito ay aming tutugisin.”

Hinikayat din nito ang publiko na i-repport sakaling magkaroon ng impormasyon ukol sa lokasyon ng marijuana plantations at mga indibiduwal na sangkot dito.

Read more...