Namatay ang dating alkalde ng Talitay, Maguindanao matapos mabaril nang mang-agaw ito ng baril ng isa sa kanyang police escorts ilang metro ang layo mula sa Camp Crame.
Sinabi ni PNP Chief Guillermo Eleazar namatay si Montasir Sabal sa San Juan Medical Center ilang minuto matapos siyang barilin ng tauhan ng PNP – CIDG.
Dagdag pa ni Eleazar na iniuugnay si Sabal sa pambobomba sa Davao City noong 2016 at isa rin ito aniya sa mga nagsusuplay ng mga armas at pampasabog sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Nabatid na naaresto ng PNP – CIDG si Sabal sa Batangas Port alas-7 kagabi at nakumpiskahan ito ng 400 gramo ng hinihinalang shabu, mga ilegal na armas at P200,000.
Papasok na ang grupo sa Camp Crame at binabagtas ang kahabaan ng N.Domingo street ala-5:20 kaninang madaling araw nang bigla na lang umanong sinunggaban ni Sabal ang baril ng isa sa kanyang mga katabing pulis.
Nagbitiw bilang alkalde ng Talitay noong nakaraang Mayo si Sabal, na miyembro din ng PNP -Special Action Force mula 1998 hanggang 2010.
Kasama din ito sa national illegal drug watchlist.