Nagpasabi na sina Senators Manny Pacquiao at Koko Pimentel na hindi sila dadalo sa pagtitipon ng PDP -Laban sa Hulyo 17 na ipinatawag ng kampo ni Energy Secretary Alfonso Cusi.
Unang sinabi ni Pimentel na hindi awtorisado ang pagtitipon kayat hindi siya dadalo, samantalang ang hindi naman pagsipot ni Pacquiao ay ibinahagi ni Ron Munsayac, ang executive director ng partido.
Dagdag pa ni Munsayac ang mga tinatawag na ‘old guards’ ng kanilang partido, maging ang mayorya sa kanilang ‘grassroots membership’ ay suportado ang kanilang posisyon.
Diin niya ang anumang resolusyon o desisyon na lalabas sa naturang pulong ay walang bisa kayat hindi nila ito papansinin.
Samantala, naniniwala si Munsayac na sa higit 100,00 miyembro ng kanilang partido, higit 5,000 lang ang politiko, mula kay Pangulong Duterte hanggang sa mga konsehal ng mga lungsod at bayan.
Diin niya mayorya sa kanila ang suportado si Pacquiao at aniya ang mga dumalo sa pagtitipon sa Cebu noong nakaraang buwan ay higit 100 lang at karamihan sa kanila ay mga politiko at ilan pa sa kanila dumalo sa paniniwalang may basbas ito ng Malakanyang.