Internet speed sa Pilipinas umangat sa international ranking

Malaki ang itinalon ng puwesto ng Pilipinas sa usapin ng bilis ng internet connection noong nakaraang buwan, base sa  Ookla Speedtest Global Index report.

Sa fixed broadband, ang average download speed sa bansa na 58.73Mbps ay nagpakita ng 15-notch monthly increase, habang ang 31.97Mbps sa mobile internet ay seven-notch na buwanang pagtaas.

Itinuturing ang mga ito na 3rd best sa buong mundo.

Sa 180 bansa, umangat sa ika-65 puwesto ang Pilipinas sa usapin ng fixed broadband, samantalang ika-77 sa mobile internet ng 137 bansa.

Ito ay mula sa ika-103 at ika-110 puwesto noong nakaraang Nobyembre o makalipas ang anim na buwan.

Itinuturo ang mabilis nang pagpapalabas ng permits ng mga lokal na pamahalaan para sa pagpapatayo ng telco facilities at cellsites ang isa sa mga dahilan nang pagbilis ng internet connection sa bansa.

Base na rin ito sa utos ni Pangulong Duterte na tapyasan ang ‘red tape’ sa aplikasyon ng mga permit at kinakailangan dokumento ng mga telcos.

Sa 50 bansa sa Asya, ang internet speed sa Pilipinas ay pang-17 sa pinakamabilis at pang-23 naman sa usapin ng mobile internet.

Ang fixed broadband download speed ay tumaas ng 642.50 porsiyento simula nang manungkulan ang administrasyong-Duterte noong 2016.

Ikinalugod din ng National Telecommunications Commission, PLDT, Globe, Converge at Dito ang hakbang ng DPWH na payagan na ang telcos na gamitin ang right of way ng gobyerno para makapagpatayo pa ng mga karagdagang pasilidad.

Sa pagpasok ng Dito Telecom sa 100 lungsod sa bansa ay nagresulta sa pagpapataas ng Globe at Smart ng kanilang capital expenditures, maging ang Converge ay napabalitang gagastos ng P20 bilyon ngayon taon.

Read more...