Operasyon ng One Hospital Command Center, pinalawak pa
Pinalawak pa ng One Hospital Command Center ang operasyon nito.
Sa Laging handa Public Briefing, sinabi ni treatment czar at One Hospital Command Center chairperson Undersecretary Leopoldo Vega na ibababa na sa mga rehiyon ang command center.
Nagsimula na aniya ang kanilang hanay na maglagay ng COVID-19 referral centers sa labas ng Metro Manila kagaya na lamang sa Calabarzon, Central Luzon, Southern Mindanao at Caraga Region.
Layunin aniya nito na mapahusay pa ang koordinasyon sa pagitan ng mga local at national government at healthcare providers para matugunan ang tumataas na kaso ng COVID-19.
Aminado si Vega na marami rin kasi silang natatanggap na tawag mula sa iba’t ibang probinsiya para humingi ng tulong kung saang ospital sila pwedeng pumunta.
Kaugnay nito, sinabi ni Vega na bumiti na ang kanilang sistema kabilang ang naidagdag na 80 personnel, kasama rito ang mga doktor, medical coordinators, information technology and call receiving personnel.
Nadagdagan na rin aniya ng kanilang telecommunication lines at mga gamit na laptop at public address system.
Ayon pa kay Vega, maganda na rin ang lagay ng kanilang interconnectivity sa pagitan ng region at national institutional centers para sa mas mabilis na pag-aksyon lalo na sa pagtugon sa pangangailangan ng regional hospitals at medical centers.
Kagunay nito, tiniyak din ni Vega na patuloy ang pagpapadala nila ng mga dagdag na augmentation personnel sa mga lugar sa Visayas at Mindanao na may mataas ang kaso ng infection, gayundin ng kailangang gamit tulad ng ventilators, nasal tubes, at iba pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.