Pulis na sangkot sa paningingikil sa police applicants, tinanggal na sa serbisyo

Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar ang pag-aalis sa pwesto ng isang ambulance driver ng PNP Health Service dahil sa grave misconduct sa pangingikil ng pera sa police applicants.

Sinabi ni Eleazar na epektibo ang dismissal kay Police Staff Sergeant Joel Zalun Bunagan noong Lunes, June 14.

Naaresto si Bunagan ng mga operatiba ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa ikinasang entrapment operation sa bahagi ng Barangay 175 sa Camarin, Caloocan City noong May 31.

Dito humingi si Bunagan ng P100,000 mula sa isang police applicant kapalit ng pagpasok umano sa pambansang pulisya.

Lumabas din sa datos na una nang naaresto si Bunagan sa Barangay Kaligayahan, Novaliches, Quezon City dahil sa parehong kaso noong April 2020.

“Tuluyan na nating tinanggal sa serbisyo itong si Bunagan. Sinabi ko naman sa inyo na walang puwang sa PNP ang mga pulis na sangkot sa iligal na gawain,” pahayag ng PNP Chief.

Nahaharap si Bunagan sa ilang kasong kriminal sa korte kabilang ang paglabag sa Republic Act 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Act of 2018 at Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

“Personal ko na tinututukan ang mga kaso ng tiwaling pulis dahil seryoso ako sa pangakong binitawan ko na linisin at magpatupad ng reporma sa organisasyon,” dagdag pa nito.

Babala naman ni Eleazar sa mga kasabwat ni Bunagan, “Hindi ako titigil hangga’t hindi nauubos ang mga tiwaling pulis na ito. Bukod sa mga kriminal na kaso, talagang tutuluyan ko kayong sibakin sa serbisyo.”

Read more...