Muntinlupa City judge nag-inhibit sa isa sa dalawang drug cases ni Sen. Leila de Lima
Ikinalugod ng kampo ni Senator Leila de Lima ang desisyon ni Judge Liezel Aquiatan na mag-inhibit sa isa sa dalawang kinahaharap na drug cases ng senadora.
Magugunita na unang tumanggi si Aquiatan, ng Muntinlupa City RTC Branch 205, na pagbigyan ang hirit ni de Lima na bumitaw sa kaso kayat naghain ito ng motion for reconsideration noong Mayo 24.
Ikinatuwiran ni de Lima sa kanyang mosyon na hindi ikinunsidera ng hukom ang mga maliwanag naman niyang dahilan sa pagkuwestiyon niya sa ‘impartiality’ at ‘moral courage’ nito para patuloy na dinggin ang kaso.
Binanggit din ng senadora ang kanyang puna sa pagtanggi ni Aquiatan na ikunsidera ang mga katuwiran niya sa paghain naman niya ng motion for bail.
Ikinatuwiran naman ng hukom na kaya niya hindi na ikinunsidera ang mga argumento ni de Lima ay sa paniwalang nabanggit na ang mga ito sa inihain niyang hiwalay na Demurrer to Evidence.
Ipinunto pa ni de Lima sa kanyang motion for Voluntary Inhibition ang pagkiling ni Aquiatan base sa mga inilabas nitong utos at isa na ditio ang hindi pagbasura sa drug case sa kabila ng kabiguan ng panig ng prosekusyon na magprisinta ng matitibay na ebidensiya laban sa kanya.
“How can there be conspiracy when the very elements of illegal drug trading itself – the drug traded, its quantity, the identity of the buyer and seller, and the consideration of the illegal drug sale – were not proven at all,” dagdag pa ng senadora.
Paniwala niya naghahanap lang ng ebidensiya ang hukom para patunayan ang pagkakasala niya sa mga tinatawag niyang mga imbentong kaso.
Pitong hukom na ang humawak sa mga kaso ng senadora, lima ang nag-inhibit at dalawa naman ang inabot ng pagreretiro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.