Pinabulaanan ng Palasyo ng Malakanyang na pinabayaan na ng pamahalaan ang Mindanao region kaugnay sa pagtugon sa problema sa COVID-19.
Tugon ito ng Palasyo sa banat ni Cagayan de Oro Congressman Rufus Rodriguez na dapat na sisihin ang pamahalaan sa mga namamatay sa COVID-19 dahil sa kawalan ng suplay ng bakuna na dumarating sa dulong bahagi ng bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi ang vaccine distribution ang dapat na sisihin kundi ang hindi pagsunod ng mga residente sa minimum public health standards.
Sinabi pa ni Roque na tumaas din naman ang kaso ng COVID-19 sa Visayas at Mindanao dahil hindi ipinatupad ang mahigpit na quarantine protocols gaya ng enhanced community quarantine (ECQ) at modified ECQ (MECQ).
“Hindi po totoo iyan. Mayroon pong mga datos na nagpapakita na kaya din nag-surge po sa ilang parte ng Pilipinas – sa Visayas and Mindanao – eh kasi hindi nag-ECQ, hindi nag-MECQ. At talagang bumaba po ang compliance with the minimum health protocols,” pahayag ni Roque.
“Now, uulitin ko po, bagama’t sinasabi natin na binigyan ng prayoridad ang Metro Manila plus, that’s only to the extent of around 38% of the vaccines. But the remaining balance are still delivered to the rest of the Philippines pursuant to equitable distribution as mandated by the President. So hindi po totoo iyan na ginipit natin ang ibang parte ng Pilipinas, hindi po. Inuna lang natin iyong una na pinakamataas ang numero, pero ngayong tumataas po sa iba, nagpapadala rin tayo ng karagdagang bakuna sa mga lugar na iyan. At saka ang pagkalat po ng sakit, hindi po iyan dahil sa kawalan ng bakuna, iyan po ay dahil bumaba ang compliance with minimum health requirements. Mask, hugas, iwas pa rin,” pahayag ni Roque.