Naisip gamitin ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang kasalukayang laro sa National Basketball Association (NBA) sa Amerika para sa kanyang panghihikayat sa mga nagdududa at natatakot pa sa COVID-19 vaccines.
Sa kanyang mensahe sa pagbubukas ng ika-119 Malasakit Center sa National Children’s Hospital sa Quezon City, inihalimbawa ni Go ang NBA, kung saan nakakapanood na ng live ang mga fans ng laro.
Ito aniya ay dahil marami na sa mga nasa US ang nagpabakuna.
“Sa mga basketball fans, alam ko pong nanonood kayo ng NBA. Kita niyo sila nakakapanood na sila. Mga naka-second dose na po, nandun na sila sa audience. Tayo dito hindi pa nakakapagsimula ng PBA natin dahil medyo huli na tayo. Pero ang pagiging huli natin makakadagdag sa pag-aaral paano natin bubuksan unti-unti,” katuwiran ng senador.
Muling apila ni Go sa publiko na alisin na ang mga pagdududa at takot sa bakuna sa katuwiran aniya na ito ang magiging daan para sumigla muli ang ekonomiya .
Aniya dapat ay samantalahin na ng mga nasa A1 hanggang A4 categories ang magpabakuna dahil sila ang ginawang prayoridad ng gobyerno sa COVID-19 vaccines sa paniniwalang higit na kailangan nila ang pagkakaroon ng dagdag na proteksyon.