Matapos ang pagsirit ng mga COVID-19 cases noong Marso, 30 na lang sa 201 barangays sa lungsod ng Pasay ang may kaso ng COVID-19.
Base ito sa inilabas na datos ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit ng lungsod kahapon.
Sa datos, 46 na lang ang aktibong kaso at 10 sa mga ito ang bago.
Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto – Rubiano, noong Marso umabot sa pinakamataas ng 1,200 ang kanilang COVID-19 cases at sa lungsod pa unang napa-ulat ang pagkakaroon sa bansa ng South African variant.
Ang mabilis na pagbaba ng COVID-19 cases sa Pasay City ay pinuri pa ni MMDA Chairman Benhur Abalos at nagbilin pa sa ibang LGUs na gayahin ang naging diskarte ni Calixto – Rubiano.
Ibinahagi ng alkalde na naging agresibo sila sa kanilang contact tracing para mapigilan pa ang pagkalat ng sakit.