Tugade: Pangarap na byahe ng tren patungong Bulacan nagiging makatotohanan na
Malapit nang mapakinabangan ng publiko ang ginagawang PNR Clark Phase 1 project ng Department of Transportation.
Sa kanyang pag-iinspeksyon sa proyekto sinabi ni Tugade na nasa 46.68 percent ng tapos ang first segment o ang Tutuban-Malolos ng North-South Commuter Railway Project at inaasahang matatapos sa ikalawang bahagi ng 2024.
Sabi ni Tugade, dati ay pangarap lamang ang pagkakaroon ng tren na magkokonekta sa Maynila at Bulacan pero ngayon ay unti-unti na itong natatapos.
“Noong pumasok ang administrasyong Duterte, ang sabi ng administrasyon, gagawa at gagawa kami ng paraan upang ‘yung panaginip, ‘yung pangarap, ‘yung mga planong ginawa tungkol sa riles ng tren dito sa Bulacan ay maging realidad,” saad ni Tugade.
Nakatakda na rin anyang i-deliver ang train sets na gagamitin dito sa Disyembre ng kasalukuyang taon.
Ang nasabing proyekto na may 38-kilometrong railway ay pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na dadaan sa mga lungsod ng Maynila, Caloocan, Valenzuela at mga bayan ng Meycuayan, Marilao, Bocaue, Balagtas, Guiguinto, at Malolos City sa Bulacan.
Kapag natapos, maseserbisyuhan nito ang nasa 300,000 pasahero kada araw at magiging 35 minuto na lamang ang byahe mula sa Tutuban sa Maynila patungong Malolos sa Bulacan mula sa kasalukuyang isa at kalahating oras.
Samantala, maraming mga nawalan ng trabaho na mga OFW ang gumagawa sa proyekto.
Sinabi ni Tugade na bukod sa mga OFW, prayoridad din ng DOTr na mabigyan ng trabaho ang mga nawalan ng hanapbuhay na mga driver at konduktor dahil sa pandemya.
Ang inisyatibong ito ay alinsunod ‘ho sa aking direktiba na bigyang prayoridad ang ating mga mahal na OFWs, kasama ng ating mga kababayang tsuper at konduktor pagdating sa pagkuha ng mga empleyado para sa mga proyekto ng DOTr. Layunin nito na sila ay matulungan sa pagtustos sa pang araw-araw nilang pangangailangan, maging ng kanilang pamilya, kung saan hindi na nila kinakailangang lumayo pa o magtungo sa ibang bansa,” pahayag ni Tugade.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.