Duterte, inatasan ang provincial gov’t ng Cebu na sumunod sa panuntunan para sa int’l travelers
Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang provincial government ng Cebu na sumunod sa itinakdang quarantine protocols kontra COVID-19 ng Inter-Agency Task Force para sa international travelers.
Pahayag ito ng Palasyo sa ipinatutupad ng Cebu na swab upon arrival policy sa mga biyahero na taliwas sa protocols ng IATF na dapat na gawin sa ika-pitong araw.
Nakasaad pa sa IATF guidelines na dapat nasa isang quarantine facility ang isang indibidwal sa loob ng 10 araw at kung negatibo ang resulta, dapat na ipagpatuloy ang quarantine sa bahay ng apat na araw.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nais ng Pangulo na tumalima ang Cebu sa IATF guidelines.
Matatandang ipina-divert ni Pangulong Duterte ang lahat ng flights sa Cebu patungo sa Ninoy Aquino International Airport.
Tumagal ang naturang kautusan ng Pangulo noong May 5 hanggang June 12.
Ayon kay Roque, ang naturang kautusan ng Pangulo ay bilang paghahanda lamang sa implementasyon ng IATF guidelines.
Ipinauubaya naman ni Roque ang pagpapasya sa Department of the Interior and Local Government kung patuloy na magmamatigas ang mga lokal na opisyal ng Cebu at hindi tatalima sa IATF guidelines.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.